Katanggap-tanggap ang paliwanag na ibinigay ni Cotabato City Police Director Police Colonel Rommel Javier sa video ng pagpunit ng dalawang pulis sa mga balota na nag-viral sa social media.
Ito ang sinabi ni PNP Officer in Charge PLt. General Vicente Danao kaugnay ng insidente, na ayon sa Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region, ay nangyari sa Datu Ayunan Elementary School, MB Kalanganan, Cotabato City.
Nagsilbi aniyang miyembro ng Special Board of Election Inspector (SBEI) ang mga pulis sa Clustered Precincts Number 69 na awtorisado ni Atty. Nasroding Mustapha, Cotabato City Election Officer.
Sa paliwanag ng Cotabato PNP, mandato ng mga PNP-SBEI na punitin ang mga hindi nagamit na balota sa pagtatapos ng botohan alinsunod sa COMELEC Omnibus Election Code – Article 17 ng Section 204.
Ang pagpunit ng mga ballota ay sinaksihan ni Mr. Arfaj-Erven Ahmad, ang designated election supervisor officer at watchers ng Partidong One Cotabato at UBJP.
Paalala ni Danao sa publiko na maging mapanuri sa impormasyong kumakalat mula sa “unverified sources” sa social media upang hindi mabiktima ng “disinformation.”
Samantala, nilinaw ng PNP na iniimbestigahan pa ang isyu hinggil sa ilang shaded ballots na pinunit din. —sa ulat ni Gilbert Perdez (Patrol 13)