Tinanggap ng pamilya Veloso ang naging paliwanag ng Malacañang kaugnay sa napabalitang pagpayag umano ni Pangulong Rodrigo Duterte na mabitay ang Pinay drug convict na si Mary Jane Veloso.
Sa isang panayam, sinabi ng ina ni Mary Jane na si Ginang Celia Veloso na nagkausap na sila ng kanilang abogado na si Atty. Edre Olalia.
Ipinaliwanag sa kanila ni Atty. Olalia ang pahayag ng Palasyo na walang katotohanan ang mga lumalabas na balita hinggil sa umano’y pagpayag ng Pangulong Duterte na mabitay si Mary Jane.
Gayunman, patuloy na umaasa si Ginang Veloso na makakausap din sila ng Pangulo bilang pagtupad sa naging pahayag nito nang magbalik bansa mula sa kanyang working visit sa Indonesia.
Go signal?
Pinanindigan naman ng Indonesian journalist ang kanyang ulat na nagbigay umano ng go signal si Pangulong Rodrigo Duterte kay Indonesian President Joko Widodo para bitayin ang Pinay drug convict na si Mary Jane Veloso.
Sa tweet ng ABC Correspondent sa Indonesia na si Adam Harvey, sinabi nitong may hawak siyang audio recording ni President Jokowi sa isang public forum na dinaluhan ng mga Indonesian media.
Ibinahagi ni Harvey ang naturang audio recording sa kanyang facebook account kung saan, sinabi umano ni Widodo ang naging pahayag sa kanya ni Pangulong Duterte na magtuloy kung nais nitong bitayin si Mary Jane.
Tanong naman ng isang mamamahayag kay Jokowi kung paano naman tatakbo ang legal process sa pagbitay kay Veloso.
Sagot ni President Jokowi, hahawakan ng attorney general ang kaso ngunit iyon aniya ang sinabi sa kanya ni Duterte.
Case vs recruiters
Samantala, itutuloy ng Department of Foreign Affairs o DFA ang kaso laban sa mga recruiter ng Pinay drug convict sa Indonesia na si Mary Jane Veloso.
Ayon kay DFA Spokesman Asst/Sec. Charles Jose, mahalagang ipagpatuloy ng Pilipinas ang kaso at handa rin itong kunin ang testimoniya ni Mary Jane.
Sakaling mapatunayan na inosente nga si Mary Jane at isa itong biktima pagkatapos ng kaso, maaari aniyang gamitin ito para mag-request sa Indonesia para sa panibagong judicial review.
Kasalukuyang dinirinig pa rin sa Baloc Regional Trial Court sa Nueva Ecija ang mga kasong human trafficking at estafa laban sa mga recruiter ni Mary Jane na sina Julius Lacanilao at Ma. Cristina Sergio.
By Jaymark Dagala