ANG pagtugon sa pandemya ng mga national at local leaders ang magiging sukatan ng mga botante sa halalan sa susunod na taon.
Ito ang paniniwala ng batikang political analyst na si Prof. Mon Casiple kasabay ng paliwanag na kung pagbabatayan ang kultura ng mga Pilipino ay hindi madaling nakakalimot ang mga ito.
Kaya naman, sa pinagdaraanan aniya ng bawat isa sa panahon ng krisis ay maaalala nila kung sino ang nakatulong at nakitang may nagawa habang tiyak namang ibabasura ang mga palpak na politiko.
Kasama naman sa mga binabatikos ngayon ay si Davao City Mayor Sara Duterte dulot ng sinasabing mahinang pagtugon sa mataas na COVID-19 cases sa kanyang nasasakupang lungsod.
Para naman kay Stratbase ADR Institute for Strategic and International Studies (ADRi) President Victor Andres Manhit, magiging malaking isyu sa susunod na eleksiyon ang pandemya, kahirapan, gutom, kawalang trabaho, at pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Samantala, sa panig naman ni Michael Henry Yusingco ng Ateneo Policy Center, namemeligrong sumadsad ang popularidad ni Pangulong Rodrigo Duterte bunsod ng sablay na pandemic response ng pamahalaan.