Inaalam na ng Philippine National Police (PNP) ang posibleng kakulangan sa security measures matapos ang apat na magkakasunod na pagpapasabog sa Mindanao.
Binalaan din ng PNP ang mga police commander laban sa palpak na trabaho na protektahan ang mga mamamayan sa kanilang Areas of Responsibility.
Ayon kay PNP Director for Operations, Maj. Gen. Valeriano De Leon, nagsasagawa na ng assessment ang Regional Director ng Police Regional Office 9 kung nagkaroon ng lapses sa intelligence-gathering at security measures sa Isabela City, Basilan.
Dalawang indibidwal ang sugatan sa magkasunod na pagsabog sa naturang lungsod noong Lunes.
Ipinag-utos din anya ni PNP Officer-In-Charge, Lt. Gen. Vicente Danao Jr. sa police regional directors na patuloy na imbestigahan ang mga pagsabog upang mabatid kung nagkulang ang intelligence units at mga tauhan.
Matapos ang magkasunod na bus bombings sa Tacurong City at Koronadal City noong linggo, naglabas si De Leon ng memorandum sa lahat ng regional directors at unit commanders na paigtingin ang seguridad sa kanilang mga nasasakupan upang maiwasang maulit ang insidente.