Full force ang pamahalan para ipakita ang suporta sa Philippine National Police Highway Patrol Group sa pagmamando ng trapiko sa EDSA simula bukas, Setyembre 7.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Philippine National Police Highway Patrol Group Director Chief Supt. Arnold Gunnacao na magtutulong-tulong ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno para tugunan ang matinding trapik sa Metro Manila.
“Konting tulong ay malaki ang magiging epekto, konting pakikisama ay malaki ang magiging epekto, konting pagbibigay sa kapwa ay malaki ang magiging epekto pagdating sa daloy ng trapiko,” paliwanag ni Gunnacao.
Provincial buses
Simula bukas, ayon kay Gunnacao, hindi muna makakadaan sa EDSA ang mga provincial buses na patungong Southern Luzon, sa halip ay padadaanin ang mga ito sa C-5.
Mula 6:00 ng umaga hanggang 9:00 ng umaga, ililipat muna sa c-5 ang mga provincial bus kabilang na ang mga may terminal sa Kamuning at Cubao.
Ipinabatid ni Gunnacao na ang mga provincial bus naman na manggagaling sa Katimugang bahagi ay maaaring dumaan sa EDSA dahil maluwag ang Edsa northbound kahit rush hour sa umaga.
Habang ang mga city buses ay mananatili sa itinalagang bus lanes.
“Napapansin po ng committee, makakabawas po kapag yung provincial buses na papunta ng Southern Tagalog, tutal dirediretso naman ang byahe nila, doon na lang sila sa C-5.”
Traffic enforcement
Tiniyak ng opisyal na hindi masisindak ang mga tauhan ng PNP-HPG kahit magpakita pa ng calling card o traheta o kahit magtawag pa ang isang traffic violator ng kanilang mga kakilalang opisyal sa gobyerno.
“Istrikto po ang patakaran natin na walang sino sino pagdating sa huli huli, huhulihin po kapag matigas ang ulo,” giit ni Gunnacao.
By: Meann Tanbio | Jonathan Andal