Gumagawa ng mga hakbang ang pamahalaan upang mapuksa ang kagutuman at kahirapan sa bansa.
Ang pahayag ay ginawa ni Cabinet Secretary Karlo Nograles kasunod ng napaulat na nasa 49% ng pamilyang Pilipino ang nagsasabing sila ay mahirap habang nasa 17% naman ang nagsabing hindi sila dukha.
Sa survey ng Social Weather Stations (SWS) noong Abril 28 hanggang Mayo 2, sinasabing ang numerong iyon ay katumbas ng 12.4 milyon na nagsabing sila ay mahirap.
Kasabay nito, 33% naman ang naniniwalang sila ay ‘borderline poor’ o nasa linya pa rin ng karukhaan.
Ayon kay Nograles, head ng Inter-Agency Task Force on Zero Hunger, hindi naman nakakagulat ang nasabing datos bunsod na rin ng mga limitasyon sa hanap-buhay na dulot ng COVID-19 pandemic restrictions.