Handang-handa na ang pamahalaan para sa gaganaping local at national election bukas, Mayo a-nuebe.
Nagsagawa na ng walkthrough inspection ang ilang opisyal at commissioner ng Commission on Elections (COMELEC) sa Philippine International Convention Center kung saan ilalagay ang National Board of Canvassers (NBOC).
Dinaluhan nila COMELEC Chairman Saidamen Pangarungan, Commissioner George Garcia, Spokesperson Director John Rex Laudiangco, Philippine National Police (PNP) officer-in-charge Vicente Danao Jr., Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief Andres Centino, at Philippine Coast Guard (PCG) Commandant Artemio Abu ang ikinasang inspeksyon.
Una na ring personal na ininspeksyon ni Pangaruan ang Comelec Election Monitoring at Action Center (CEMAC) sa Paranaque at Philippine International Convention Center sa Pasay City kung saan gaganapin ang bilangan ng boto para sa senatorial at party-list race.
Inihayag din ni Danao na nakapwesto na ang nasa 225,000 pwersa ng kapulisan para tiyaking magiging malinis at patas ang eleksyon.
Habang naka-full alert na ang mga tauhan ng AFP kasama ang kanilang naval at air assets gayundin ang PCG.
Samantala, ipinangako naman ni Pangarungan na makasisiguro ang publiko na poprotektahan nila ang kasagraduhan ng boto ng bawat Pilipino sa bansa.