Binigyang diin ng Malakanyang na hindi nagkukulang ang pamahalaan sa pagbibigay proteksyon sa maritime environment ng bansa sa West Philippine Sea (WPS).
Giit ni Presidential Spokesperson Atty. Salvador Panelo, nakasaad sa writ of kalikasan ang pagtiyak na mapapanatiling protektado ang marine ecosystem sa WPS kungsaan ito naman talaga aniya ang patuloy na tinututukan at top concern ngayon ng gobyerno.
Ginawa ni Panelo ang pahayag kasunod ng inisyung writ of kalikasan ng Supreme Court Special En Banc na naglalayong mapigilan ang anumang paglabag sa environmental laws at masigurong napapangalagaan ang water territory at exclusive economic zone (EEZ) ng bansa.
Mariing itinanggi ni Panelo na may nangyaring kapabayaan sa parte ng gobyerno sa pagpapatupad ng batas pangkalikasan sa mga lugar na inaangkin ng china na siyang naging akusasyon ng grupo ng mga mangingisda mula sa Palawan na naghain umano ng petisyon para sa writ of kalikasan mula sa kataas-taasang hukuman.
Paliwanag ng Palace spokesman, ginagawa ng Philippine Coast Guard (PCG) at ng mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan ang kanilang mga tungkulin upang siguruhing nasusunod ang nasabing kautusan.
Muli ring binanggit ni Panelo ang serye ng diplomatic protests na inihain ng gobyerno matapos ang sinasabing illegal activities ng China sa pinag-aagawang teritoryo na nagdulot ng grabeng pagkasira ng mga bahura doon.