Posibleng hindi na palawigin pa ang umiiral na modified enhanced community quarantine (MECQ) sa Metro Manila at mga karatig lalawigan.
Ito ang inihayag ng Malakanyang kasabay ng inaasahang anunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa ipatutupad na panibagong community quarantine sa Lunes, Agosto 17.
Ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque, hindi pabor ang pamahalaan na palawigin pa ang MECQ sa Metro Manila, Bulacan, Laguna, Cavite, at Rizal.
Maliban na lamang aniya kung maglalaan ng pondo ang Kongreso bilang ayuda sa mga apektadong sektor.
Binigyang diin pa ni Roque, mismong si Pangulong Duterte na aniya ang nagsabing hindi kakayanin ng pamahalaan ang magpatupad ng panibagong lockdwon dahil wala nang sapat na pondo para rito.