Hinimok ng ilang senador ang pamahalaan na pansamantalang i-ban o pagbawalan ang pagpasok sa Pilipinas ng mga manlalakbay mula sa Europa.
Kasunod ito ng pagkakadiskubre sa bagong strain ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa United Kingdom.
Ayon kay Minority Leader Franklin Drilon, dapat na agarang kumilos at hindi na magpatumpik-tumpik pa ang Department of Health (DOH) na kumilos para matiyak na hindi makakapasok sa bansa ang bagong strain ng COVID-19.
Aniya, magugunitang hindi agad noon nagpatupad ang DOH ng travel ban sa mga pasaherong mula sa China kaya naging mabilis ang local transmission ng COVID-19 sa Pilipinas.
Iginiit naman ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto na dapat gawin ng pamahalaan ang lanat para masigurong ligtas at protektado ang publiko laban sa bagong strain ng COVID-19.
Sinabi naman ni Senador Joel Villanueva na dapat maging proactive ang pamahalaan lalo na’ wala pang pag-aaral kung sakop na ng bakuna kontra COVID-19 ang bagong strain ng coronavirus.
Batay sa mga ulat, sinabing kumakalat sa Europa ang isang bagong mutation ng virus dahilan kaya agad na nagpatupad ng ban ng mga biyahero mula sa mga European countries ang ilang mga bansa.