Inaalam na ng pamahalaan ang ulat hinggil sa ilang mga Filipino overseas worker na pinigilang makapasok ng Dammam sa Saudi Arabia at pinabalik ng Pilipinas.
Ito ay sa gitna ng ipinalabas na travel restrictions ng Saudi Arabia para makontrol ang pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19).
Ayon kay Foreign Affairs Assistant Secretary Eduardo Meñez, kanilang nauunawaan ang hakbang ng pamahalaan ng Saudi Arabia na huwag muna papasukin sa kanilang bansa ang mga Umrah Pilgrims at turistang magmumula sa mga lugar na apektado ng COVID-19.
Gayunman, iginiit ni Meñez na kailangang maging malinaw ang ipinatutupad na polisiya ng Saudi Arabia lalo na’t maaaring makaapekto at mailagay sa kompromiso ang trabago ng mga manggagawang Filipino doon.
Sinabi ni Meñez, sa ngayon ay mga reports pa lamang hinggil sa mga hindi pinapasok na OFW sa Saudi Arabia ang nakatanggap nila at wala pang aktuwal na impormasyon.