Nakatakdang i-deploy ng pamahalaan ang dagdag pwersa ng mga frontliners tulad ng pulis, sundalo at health workers sa Cebu City.
Ang desisyon ay bunsod ng paglobo ng mga bilang ng nagpopositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa naturang lungsod.
Paliwanag ni Interior Secretary Eduardo Año, ang ipapadalang mga pwersa ng pulis at sundalo ay tutulong sa mahigpit na pagpapatupad ng enhanced community quarantine (ECQ).
Bukod pa rito, magdadagdag din ng mga mas maraming mga doktor at nurses sa mga ospital sa Cebu City para tumulong sa paglaban kontra sa banta ng COVID-19.
Dahil dito, sinuspindi na rin ang bisa ng mga quarantine pass, upang masiguro na rin na hindi lalabas ang mga residente rito.