Naglaan ng bilyong pisong pondo ang pamahalaan bilang ayuda sa mga pinakamahihirap na komunidad na naapektuhan ang kabuhayan bunsod ng umiiral na enhanced community quarantine (ECQ) kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sa televised address ni Pangulong Rodrigo Duterte, inilarawan nito na ang P200-B ayuda ay ang pinakamalaking social assistance program sa kasaysayan ng bansa sa harap ng malaking epekto ng virus.
Kasunod nito, nanawagan ang Pangulo sa mga nakaluluwag sa buhay na patuloy na magbigay ng tulong sa mga nangangailangan.
Samantala, binantaan naman ng Pangulo ang sino mang mananamantala at mandaraya sa ibibigay na tulong pinansyal, gamit, o pagkain ay sisiguraduhin aniyang makukulong hanggang sa pagtatapos ng umiiral na Luzon-wide enhanced community quarantine.
Sa panulat ni Ace Cruz.