Nakikipag-ugnayan na ang pamahalaan sa 30 hanggang 50 mga Filipino sa Wuhan City at Hubei Province na nagnanais nang bumalik ng Pilipinas.
Ayon kay Philippine Ambassador to Beijing Jose Santiago Sta. Romana, pinangangasiwaan ito ng Philippine Consulate General sa Shanghai na siyang malapit at nakakasakop sa hurisdiksyon ng Hubei Province.
Dagdag pa ni Sta. Romana, mahigpit na ring nakikipag-ugnayan sa Chinese government ang konsulada para mabantayan ang sitwasyon ng nasa 300 mga Filipino sa nabanggit na probinsiya sa China.
Iginiit naman ni Sta. Romana na walang panawagan ng repatriation sa mga Pilipinong nasa Wuhan at Hubei pero kanilang tinitiyak ang tulong sa mga boluntaryong uuwi ng Pilipinas.
Sa pinakahuling impormasyon ng embahada ng Pilipinas, wala pang Filipino sa Wuhan at Hubei ang napaulat na nahawaan ng novel coronavirus (2019-nCoV) dahil lahat ng mga ito ay naka self-quarantine sa kani-kanilang mga tinutuluyan.