Target ng pamahalaan na makapagbakuna ng higit kumulang isa punto walong milyong matatanda o senior citizen sa gaganaping ika-apat na yugto ng programang “Bayanihan, Bakunahan”.
Ayon kay Health Undersecretary and National Vaccination Operations Center (NVOC) chairperson Dr. Myrna Cabotaje, prayoridad sa malawakang bakunhang ito ang mga matatandang hindi pa nakakakumpleto ng kaninang bakuna kontra COVID-19 at magpapa-booster shot.
Aniya, isasagawa ang ika-apat na “Bayanihan, Bakunahan” sa darating na Huwebes, Marso a-diyes hanggang Sabado, Marso a-dose na idaraos sa mga bahay at workplaces.
Paliwanag ni Cabotaje, kailangan nilang bilisan ang pagpapabakuna ng unang dose at booster shots bago pa man magsimula ang panahon ng kampanya para sa Congressman at local elective post sa Marso a-25.
Dagdag pa ni Cabotaje, nakatuon na rin ang pamahalaan sa pagbibigay ng booster shot sa mga lugar na naabot na ang 70% ng target population at mga lugar na mababa ang vaccination rates.
Pagsisiguro pa niya, may sapat na suplay ng bakuna ang bansa. – sa panulat ni Abie Aliño-Angeles