Handang makipagtulungan sa gobyerno at kongreso ang kowalisyon ng mga tsuper at operators ng Transport Network Vehicle Services (TNVS) community na may 25,000 miyembro upang isaayos pa ang ride-hailing services sa bansa.
Nangako rin ang TNVS community na gagawin nito ang kanilang makakaya upang mabawasan ang mga pasanin ng mga commuter.
Ayon kay Bobby Coronel, tagapagsalita ng Kowalisyon, nais nilang maging bahagi ng mga solusyon sa mga problema sa transportasyon sa bansa, lalo sa Metro Manila.
Batid anya nila ang mga hinaing ng mga TNVS riders dahil direkta nilang naririnig ang mga ito mula sa mga pasahero.
Umaasa din ang Kowalisyon na mapakikinggan sila ng Kongreso, lalo ni Senate Committee on Public Services chairperson Grace Poe upang mapaganda ang kanilang serbisyo.
Kabilang sa mga nais matutukan ng kowalisyon ang umano’y commission rate increase ng Grab na kinukuha sa kinikita ng partner drivers nito at surge charges sa pasahe, lalo kapag mabigat ang daloy ng trapiko.