Walang tulong na matatanggap mula sa pamahalaan ang mga inibidwal na nagpaturok ng sobrang dose ng covid-19 vaccine kapag may hindi magandang mangyari sa kanila.
Ito ang ibinabala ni National Task Against COVID-19 adviser Dr. Ted Herbosa kasunod ng ulat na mayroong mga indibidwal na nagpabakuna ng karagdagang dose kahit wala pang anim na buwan mula nang maturukan sila ng second dose.
Ilan umanong bakunadong indibidwal ang nagsasabi na hindi pa sila nababakunahan para lamang makakuha ng ibang brand ng COVID-19 vaccines.
Aniya, may inilaan na indemnity fund ang pamahalaan para sa mga nakararanas ng side effect sa COVID-19 vaccines ngunit hindi sakop nito ang mga nagpaturok ng higit pa sa dalawang dose.
Sa ngayon tanging mga senior citizens, health workers at mga indibidwal na may comorbidities ang pinapayagan na mabigyan ng booster shots. —sa panulat ni Hya Ludivico