Iginit ng grupong Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas o Pamalakaya na dapat nang bawiin ng Department of Agriculture ang Fisheries Administrative Order 195.
Sa ilalim ng nasabing kautusan na nilagdaan ni Secretary Emmanuel Piñol, pinapayagan ang pag aangkat ng 17,000 metriko tonelada ng galunggong sa bansa.
Ayon sa Pamalakaya, kahit kabi-kabila pa ang pagtitiyak ng DA at BFAR maging ng Palasyo na hindi makakapasok sa bansa ang mga galunggong na may formalin mula sa China, mas makakabuti pa rin umano na itigil na ang pag-iimport nito para mas matiyak ang kaligtasan ng publiko.
Giit pa ng grupo, bukod sa kaligtasan ay mas mabibigyan din ng pagkakataon para umunlad ang industriya ng pangingisda sa bansa kung saan pinaka makikinabang rito ay ang mga maliliit na mangingisda.
Kasabay nito, tiniyak ng Pamalakaya ang kanilang patuloy na pangangalap ng suporta upang i-boycott ng mga mamimimili ang imported na galunggong.