Kumpiyansa ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na mas magiging mabilis at sistemako ang pamamahagi ng pinansiyal na ayuda sa ilalim ng ikalawang tranche ng social amelioration program (SAP).
Ayon kay DSWD spokesperson Director Irene Dumlao, nakipag-ugnayan na sila sa ilang financial service providers para sa pagproseso sa pay-out ng ayuda.
Sinabi ni Dumlao, bukod sa mas mabilis ang ganitong paraan ay contactless o maiiwasan na ang pakikipagsalamuha at pagtitipon ng maraming tao.
Dagdag ni Dumlao, direkta na ring makukuha ng benepisyaryo ang kanyang pinansiyal na ayuda sa pamamagitan ng kanyang account o sa mga payment centers.
Habang sa mga malalayong lugar naman na walang mga financial provider, gagawin aniya ang pamamahagi ng ikalawang tranche ng SAP sa mas malaking venue o pagbabahay-bahay kung senior citizen ang head of the family.
Saad pa ni Dumlao, nakipag-ugnayan na rin sila sa mga pulis at sundalo maliban pa sa mga lokal na opisyal para sa distribusyon ng SAP.