Muling iginiit ng Commission on Elections na hindi dapat pangasiwaan o impluwensiyahan ng sinumang pulitiko ang pamimigay ng tulong ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
Ayon kay COMELEC Chairman George Erwin Garcia, papayagan nila ang pamamahagi ng ayuda sa kabila ng election ban ngunit mahigpit ang paalalang dapat gawin lamang ito ng mga empleyado ng kinauukulang ahensya.
Humihingi din ng paunawa ang COMELEC sa publiko sa abala na maaring idulot ng ilang public projects na hindi maaring ipagpaliban sa kabila ng pagbabawal dito tuwing halalan.
Samantala, hinimok naman ni COMELEC Spokesman John Rex Laudiangco ang mga kwalipikadong indibidwal na maghain na ng Certificate of Authority to Carry Firearms, dahil epektibo na ang gun ban sa linggo, Enero 12. – Sa panulat ni Laica Cuevas