Pinatatapos na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga local government unit (LGU) ang pamamahagi ng emergency cash subsidy sa mga mahihirap na pamilya sa iba’t ibang lugar para sa kasalukuyang buwan.
Ayon sa DSWD, hindi sila mamamahagi ng cash subsidy para sa buwan ng Mayo kapag hindi nakumpleto ang pamamahagi ng unang tulong at hindi makapagsumite ng liquidation report ang LGUs hinggil dito.
Sinabi ni DSWD Undersecretary Rene Glen Paje na mapipilitan silang huwag munang ibigay ang kasunod na bahagi ng emergency subsidy sa sinumang LGU na hindi makakapagpasa ng liquidation report sa takdang araw.
Nakikipag-ugnayan na aniya sila sa Department of the Interior and Local Government (DILG) para atasan ang LGUs na pabilisin ang pay-out ng cash subsidies para sa buwang ito.