Pinamamadali na ng Department of Agriculture (DA), ang pamamahagi ng bayad-pinsala sa mga hog raisers na pinaka-apektado ng African Swine Fever.
Ayon sa DA, dapat na maipamahagi na sa 874 na hog raisers mula sa mga bayan ng Tagudin sa Ilocos Sur at Sudipen sa La Union ang kabuuang P28.5-M bago matapos ang taong 2021.
Mula sa kabuuang P229-M na ni-request para bayaran ang mga hog raiser, nasa P44.5-M pa ang ipamamahagi sa 1,372 magsasaka mula sa mga lalawigan ng Ilocos Sur, La Union at Pangasinan.
Sa mga susunod naman na linggo, nasa P7.045-M ang ipagkakaloob sa 221 hog raisers sa Ilocos Sur, P19.285-M para sa 631 raisers sa La Union at P18.190-M naman para sa 520 magsasaka sa Pangasinan.
Tatanggap ang bawat benepisyaryo ng P5-K para sa bawat kinatay na baboy bilang bahagi ng quick response at contingency funds dahil sa deaths at preventive culling upang mapigilan ang pagkalat ng ASF sa bansa. —sa panulat ni Angelica Doctolero