Inihayag ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na mas maayos at mas mabilis na ang pamamahagi nila ng pinansyal na ayuda kumpara sa unang araw ng pamamahagi ng cash aid.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni DSWD associate secretary Rommel Lopez na nahigitan nito ang kanilang target number of beneficiaries.
Ang ating pong target lamang na beneficiaries ay 80,000, sa atin pong tala umabot po ng 100,594 students po nu’n lamang araw na iyon hanggang kahapon ‘yung naabot natin ng educational assistance. Ito po ay nagkakahalaga ng 264.9 milyon na tulong sa ating mga indigent at in-crisis na students, sa kabuuan po, 285,000 po na mga kababayan natin ‘yung naabot na natin ng educational assistance mula po nu’ng tayo ay magsimula at 649.8 milyon na po ‘yung naipapamahagi natin na worth ng educational assistance.
Samantala, aminado ang kalihim na maraming problemang teknikal ang umusbong bunsod ng pagdami ng aplikante.
‘Yung aming daw pong website ‘yung aming mga QR code mahirap na pong pasukin, well inaamin po namin ‘yan pero ito po ay tino-troubleshoot na po ng DSWD. Ang nangyayari po kasi sa sobrang dami pong mga aplikante nasa dalawang milyon na po, talagang mahirap-hirap na po ang mag-reply nang agaran para sa kanila so humihingi po kami ng pang-unawa at paumanhin, pero ang amin naman pong assurance ay ginagawa naman naming batch-by-batch ‘yung pagre-reply sa atin mga kababayan sa inyo po na aming mga kliyente nang sa ganu’n po malapit na po ito sa mismong araw ng inyong payout.
Ang pahayag ni DSWD associate secretary Rommel Lopez, sa panayam ng DWIZ. — sa panulat ni Hannah Oledan