Hindi lang netizens ang napahanga ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa pamamahagi niya ng cash assistance para sa mga magsasaka. Pati si Senator Francis Tolentino, pinuri ang ginagawang tulong ni Pangulong Marcos Jr. para sa mga kababayan nating rice farmers.
Matatandaang sa ilalim ng Republic Act 11203 o Rice Tariffication Law, may ipinapatong na 35% na buwis o taripa sa mga imported na bigas. Ang nakolektang buwis o tariff revenue ay mapupunta sa Rice Competitiveness Enhancement Fund na gagamitin para sa mga programang nakatuon sa pagpapaganda ng ani at pagpapalaki ng kita ng mga magsasaka. Kada taon, mayroong inilalaang 10 billion pesos galing sa nakolektang taripa para sa Rice Competitiveness Enhancement Fund.
Ayon kay Senator Tolentino, noong 2022 nakakolekta ang gobyerno ng 22.7 billion pesos in rice tariffs. Dahil ilalaan ang 10-billion pesos para sa Rice Competitiveness Enhancement Fund, mayroon pang sobrang 12.7 billion pesos. Ano nga ba ang ginagawa sa sobrang pondo? Kadalasan itong inire-remit o ipinapadala sa Bureau of the Treasury, pero sa pagkakataong ito, iniutos ni Pangulong Marcos Jr. na ibalik sa mga magsasaka ang pondong ito sa pamamagitan ng Rice Farmers Financial Assistance Program.
Inaprubahan ni Pangulong Marcos Jr. ang paglalabas ng 12.7 billion pesos na pondo para sa Rice Farmers Financial Assistance Program noong September 28, 2023. Sa programang ito, tatanggap ang higit sa 2.3 milyong magsasaka ng 5,000 pesos na ayuda. Ang mga magsasakang nakarehistro sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture ang makakatanggap ng cash assistance.
Ano naman ang mangyayari sa sobrang pondo galing sa 10 billion pesos na Rice Competitiveness Enhancement Fund? Sa magsasaka pa rin mapupunta ‘yan dahil nitong October 8, 2023 lang, inatasan ni Pangulong Marcos Jr. ang Department of Agriculture na gamitin ang sobrang nakolektang pondo mula sa Rice Competitiveness Enhancement Fund para bumili ng mga makina, tractor, harvester, dryer, at iba pang kagamitang pansaka.
Hindi nakikinabang ang mga Pilipinong magsasaka sa pag-aangkat ng bigas. Kaya para mahikayat ang retailers na sa mga magsasaka na lang bumili ng bigas, pinatungan ng mataas na buwis ang imported rice. Ang nakolektang buwis naman ay sa mga magsasaka pa rin mapupunta. Para kay Senator Tolentino, malinaw ang batas: mga magsasaka dapat ang makikinabang sa nakolektang buwis. Bawat centavo ay dapat ibigay sa kanila. Sabi nga niya, ito ay katas ng bigas.
Hindi lang mga magsasaka ang makikinabang sa mga ibinibigay na tulong ng administrasyong Marcos para sa agriculture sector. Sa patuloy na suporta ni Pangulong Marcos Jr. sa mga magsasaka, mararamdaman na natin ang pagbaba ng presyo ng pagkain sa Pilipinas.