Gagawing puspusan ng Department of Health o DOH ang pamamahagi ng mga contraceptives bilang bahagi ng pagpapatupad ng RH o Reproductive Health Law.
Ito ay matapos sertipikahan ng FDA o Food and Drug Administration na hindi nakakapagpalaglag ng sanggol ang 51 contraceptives na gagamitin ng DOH sa pagpapatupad ng RH Law.
Aabot sa mahigit 260,000 contraceptives ang nakatakdang mapaso na sa susunod na taon.
Ilang taon ding naimbak ang mga contraceptives lalo na ang mga implants matapos maglabas ng Temporary Restraining Order o TRO ang Korte Suprema batay sa petisyon na nagsasabing nakakapagpalaglag ito ng sanggol sa sinapupunan.
Gayunman, nakasaad rin sa tro ng Supreme Court na otomatiko nang matatanggal ang tro sa sandaling maglabas ng sertipikasyon ang FDA.
Dahil dito, sinabi ni Population Commission o POPCOM Executive Director Juan Antonio Perez na kailangang makagamit sila ng 1,000 implants kada araw upang habulin ang pagpaso nito sa September 2018.
—-