Pinamamadali ni Congressman Joey Salceda sa Inter Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang pagbuo ng disbursement mechanism para sa pamamahagi ng emergency subsidies sa ilalim ng Bayanihan Act of 2020.
Sa kaniyang aide memoir sa house leadership inilatag ni Salceda ang mga posibleng gawin sa pagbibigay ng assistance para matiyak na matatanggap ito ng lahat ng mga nangangailangan.
Sinabi ni Salceda na dapat mapasama sa mabibigyan ng ayuda ang lahat ng target sectors kaya’t inirerekomenda niya sa IATF na ikunsider ang iba’t-ibang listahan na hawak ng gobyerno tulad ng sa tupad at self-employed list ng SSS at isunod ang cross checking.
Dapat din aniyang buksan ito sa application kung saan kailangan lamang mapatunayan na beneficiary na apektado ito ng enhanced community quarantine at magugutom sa oras na hindi makatanggap ng ayuda mula sa pamahalaan.
Ayon pa kay Salceda maaaring gamitin bilang primary vehicles ang tax reform cash transfer ng DSWD at COVID adjustment measures program ng DOLE para sa hakbanging ito.