Sisimulan na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pamamahagi ng fuel subsidy sa mga driver at operator ng Public Utility Vehicles (PUV) sa susunod na linggo.
Ito ay matapos ilabas ng Department of Budget and Management (DBM) ang pondo para sa fuel subsidy program ng DOTr.
Ayon kay LTFRB Executive Director Kristina Cassion, kinumpirma ni Budget Officer-in-Charge Undersecretary Tina Rose Canda na naglabas na ang kanilang ahensya ng P2.5-B at P500-M na pondo para sa fuel subsidy sa public transport utility at agriculture sectors.
Sa ilalim ng 2022 budget, makakatanggap ng fuel voucher na nagkakahalaga ng P6,500 para sa first tranche ang mahigit 377,000 qualified PUV drivers na nagpapatakbo ng jeepney, UV express, taxi, tricycle, maging ang mga full-time ride-hailing at mga serbisyo sa paghahatid sa buong bansa.
Samantala, nabigyan naman ng P500-M budget ang Department of Agriculture upang magbigay ng fuel discounts sa mga magsasaka at mangingisda na nagmamay-ari at nagpapatakbo ng makinarya sa agrikultura at pang-isdaan o ang mga nagpapatakbo sa pamamagitan ng isang organisasyon o kooperatiba ng mga magsasaka. —sa panulat ni Angelica Doctolero