Inumpisahan na ng Department of Agriculture (DA) ang pamamahagi ng kulig o mga palakihing baboy sa mga hog raisers na nasa lugar na walang naitatalang kaso ng African Swine Fever (ASF) upang maparami ang suplay ng karne nito sa bansa.
Ito ay kasunod ng pagtaas ng presyo ng karne ng baboy sa pamilihan bunsod ng dumapong ASF na ikinamatay ng mga ito dahilan upang tumigil muna ang ilang hog raisers sa pag-aalaga.
Ayon kay National Meat Inspection Service Executive Director Reildrin Morales, simula nagkaroon ng ASF marami ang tumigil muna sa pag-aalaga, nag-kontrol at nagbawas ng bilang ng alagaing baboy dahil sa takot magkaroon ng sakit.
Ani Morales, kasama ang pagkain ng baboy sa kanilang ipamamahagi at ipagbabawal muna ang pagpapakain ng kaning baboy.
Giit naman ng ahensya na patuloy nilang aaralin kung paano nila irerekober ang mga lugar kung saan may kaso ng ASF.—sa panulat ni Agustina Nolasco