Pabor si Pangulong Rodrigo Duterte sa suhestyon ni Dr. Anthony Leachon na mamahagi ng libreng face masks sa publiko sa gitna ng patuloy na banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.
Ang naturang suhestyon ni Leachon ay naipaabot kay Pangulong Duterte at sa mga miyembro ng Inter-Agency Task Force (IATF) sa naging pulong nito kagabi.
Paliwanag ni Leachon, hindi naman sa gustong lumabag ng iilang mamamayan sa mga patakaran ng pamahalaan tulad ng pagsusuot ng face mask, kung hindi, walang pambili ang mga ito.
Kasunod nito, inatasan ni Pangulong Duterte ang health department na maghanap o mag-canvass ng mga face masks para mapaglaanan ng pamahalaan ng budget para sa pagbili nito at nang may maipamigay sa publiko.
Nauna rito, naging maugong ang pangalan ni Leachon matapos na mag-resign sa kanyang posisyon bilang special adviser ng national task force kontra COVID-19.
Samantala, ayon kay DR. Leachon, napabilang siya sa pagpupulong kagabi ng IATF makaraang imbitahan siya rito.