Inumpisahan na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) kahapon ang pamamahagi ng 500 pisong buwanang subsidiya sa mahihirap na pamilya.
Layon nitong matulungan ang nasabing mga pamilya sa gitna ng walang puknat na oil price hike at mataas na presyo ng mga pangunahing bilihin.
Aabot sa 1.2 million household-beneficiaries na may existing cash cards ang nakatanggap ng unang tranche ng cash aid na nagkakahalaga ng 1,000 piso o dalawang buwang halaga ng subsidiya sa ilalim ng targeted cash transfer program.
Batay sa guidelines ng nasabing programa, magbibigay ang DSWD ng cash grants na 3,000 piso o 500 piso kada buwan sa loob ng anim na buwan para sa humigit-kumulang 12.4 milyong benepisyaryo.
Makakatanggap ng naturang cash aid ang apat na milyong households sa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps); anim na milyong non-4Ps households at mga indibidwak na dati nang benepisyaryo ng unconditional cash transfer program of 2018 hanggang 2020 sa ilalim ng tax reform for acceleration and inclusion law; gayundin ang 2.4 million households na nasa database na kabilang sa poverty data sources ng ahensya.