Panahon na para i-overhaul ang Food and Drug Administration.
Ito ang inihayag ni Sen. Francis Tolentino dahil sa wala aniyang legal basis ang mga naunang circular na ipinalabas ng ahensya.
Lumalabas kasi aniya na FDA ang gumagawa ng sarili nitong batas, nagbibigay ng interpretasyon, nagpapatupad at nagdedesisyon na rin sa mga sariling imbentong patakaran.
Inihalimbawa rito ni Tolentino ang pagbabawal sa private sector at LGU na bumili ng sariling bakuna.
Giit ni Tolentino walang kapangyarihan ang FDA para pigilin ito dahil kung tutuusin aniya ay maraming naglipanang produkto sa merkado ang walang registration sa FDA ngunit matagal nang kinokonsumo ng publiko.
Sinabi rin ni Tolentino na ang iginigiit na Emergency Use Authorization o EUA ay bagong termino lang na binuo ng FDA.
Gayunman, nilinaw ni Tolentino na hindi siya tutol sa FDA, ngunit kailangan daw nito ng tulong para maintindihan ang kanilang trabaho at kapangyarihan.— ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)