Itinuturing na ng Philippine National Police na sarado na ang kaso ng pamamaril sa Ateneo De Manila University.
Ito ang inihayag ni Quezon City Police District Office Director, Brig. Gen. Remus Medina makaraang sampahan ng patong-patong na kasong kriminal laban sa suspek na si Dr. Chao Tiao-Yumol.
Si Yumol, ang bumaril at pumatay sa mga biktimang sina dating Lamitan City Mayor Rosita “Rose” Furigay at dalawang iba pa habang nasa graduation ceremony ng Ateneo Law School noong July 24.
Bukod sa 3 counts ng murder at frustrated murder, nahaharap din si Yumol sa kasong paglabag sa Anti-Carnapping Act of 2016, Comprehensive Law on Firearms and Ammunition at Malicious Mischief.
Isinampa ang mga nasabing kaso ng QCPD at PNP sa Quezon City Prosecutor’s Office noong Lunes ng gabi.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng QCPD si Yumol na nakapiit sa Camp Caringal.
Bukod kay Furigay, patay din sa pamamaril ang executive assistant nitong si Victor Capistrano at security guard ng paaralan na si Jeneven Bandiala habang sugatan ang anak ng dating alkalde na si Hannah, na kabilang sa mga graduates ng Ateneo Law School.