Mariing kinondena ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines o CBCP ang nangyaring pamamaslang sa isang pari sa bayan ng Gattaran, Cagayan.
Nasawi si Father Mark Anthony Ventura matapos pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang suspek sa harap mismo ng altar matapos siyang mag-misa pasado alas-8:00 ng umaga, kahapon.
Ayon kay Archbishop Romulo Valles dapat mapanagot ang mga may kagagawan nito kay Ventura.
Kasabay nito, umapela ang arsobispo sa mga awtoridad na agarang kumilos para sa ikadarakip ng mga suspek.
Samantala, nanawagan din ang Liberal Party sa mga awtoridad ng mabilisang aksyon sa paglutas ng kaso ni Ventura.
Sinabi ni Senador Francis Pangilinan, Pangulo ng LP, na sana ay hindi mabinbin lang ang imbestigasyon sa naturang insidente gaya na lamang ng kinahinatnan ng kaso ng pamamaslang kay Father Marcelito Paez noong December 2017.
Photo Credit: CBCP News Website