Kinumpirma ni Presidential Peace Adviser Jesus Dureza na pamangkin niya ang inaresto ng PDEA o Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Davao City na may dalang illegal drugs.
Sa kanyang Facebook post, sinabi ni Dureza na ang balita sa pagkakaaresto ng pamangking si John Paul Dureza ang sumalubong sa kanya paggising niya ng umaga.
Nakaramdam aniya siya ng hiya sa pangyayari subalit kapuri-puri naman aniya ang PDEA dahil ginampanan nila ang kanilang tungkulin.
Si John Paul Dureza kasama ang isang John Anthoy Huilar ay nahuli sa drug bust operations ng PDEA sa loob mismo ng kanilang tahanan sa Catalunan Pequenio sa Davao.
Nakuha sa suspects ang labing limang (15) gramo ng shabu na nagkakahalaga ng mahigit sa dalawandaang libong piso (P200,000), isang kalibre bente dos na baril at isandaan at pitumput pitong (177) bala.
Napag-alamang matagal nang nasa watch list ng PDEA si Dureza dahil sa pagbebenta ng droga sa mga prominenteng pamilya sa Davao City.
By Len Aguirre