Tiniyak ng Food and Drug Administration (FDA) ang nakalatag na safeguards o panuntuan na magbibigay kaligtasan sa populasyon na tuturukan ng COVID-19 vaccines na mapagkakalooban ng Emergency Use Authorization (EUA).
Ayon kay FDA Director General Eric Domingo nakalagay sa ilalabas na EUA ang lahat ng kondisyon kabilang ang post marketing at post authorization monitoring.
Mayroon aniyang adverse event following immunization committee na ide-deploy sa bawat rehiyon na magbabantay sa posibleng epekto ng ituturok na bakunang may eua at katuwang ng FDA dito ang epidemiology bureau ng Department Of Health.
Bukod sa local health agencies sinabi ni Domingo na makikipag coordinate din ang FDA sa international regulatory agencies para sa monitoring ng bakuna na binigyan nila ng EUA.
Inihayag ni Domingo na responsibilidad ng nasabing komite na i-report sa regional offices ang maitatalang adverse events tulad ng pananakit ng braso, sinat o lagnat ng mga indibidwal na isasailalim sa COVID-19 vaccination.
Sa susunod na linggo posibleng magpalabas ng guidelines ang FDA hinggil sa proseso ng application para sa mga vaccine developers na nais ding makakuha ng eua mula sa Pilipinas.
Una nang nilagdaan ng Pangulong Rodrigo Duterte ang Executive Order 121 na nagbibigay kapangyarihan sa FDA na maggawad ng eua sa mga COVID -19 drugs at vaccines.