Pinalagan ni National Task Force Against COVID-19 Chief Implementer Sec. Carlito Galvez ang umano’y tila “matira-matibay” na istilo ng gobyerno sa pagsasailalim ng Metro Manila sa general community quarantine (GCQ).
Ito’y matapos batikusin ng netizens ang pagpapaluwag sa quarantine restrictions sa ilalim ng GCQ kahit wala pa umanong nakikitang paghupa o pagbaba sa bilang ng kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.
Ayon kay Galvez, bagama’t niluwagan na ang mga lockdown sa buong bansa, patuloy pa rin na kumikilos ang pamahalaan para makontrol ang pagkalat ng COVID-19 sa Pilipinas.
Ani Galvez, nais lamang din ng pamahalaan na bigyan muli ng pagkakataong makabangon ang ekonomiya ng bansa na lubhang naapektuhan ng krisis bunsod ng COVID-19 pandemic.
Maliban aniya sa pagbubukas ng mga nagsarang industriya noong enhanced community quarantine (ECQ), makakabalik na rin umano ang ilang manggagawa sa kanilang trabaho na naapektuhan rin ang hanapbuhay noong lockdown.