Nagpalabas ng Executive Order si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nagdedeklara sa Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Program (4PH) bilang flagship program ng gobyerno.
“The 4PH Program is hereby declared as a flagship program of the government,” ayon sa EO ng Presidente.
Nakasaad sa EO na ang Department of Human Settlement and Urban Development (DHSUD) ang magsisilbing lead implementing agency sa programa.
Inatasan ng Pangulo ang lahat ng ahensya ng gobyerno, local government units (LGUs), at iba pang government entities na suportahan ang DHSUD para matiyak ang matagumpay na implementasyon ng 4PH program.
Tungkulin ng DHSUD na tukuyin ang national at local government lands na maaaring magamit para sa housing at human settlements sa pakikipag-ugnayan sa sa mga ahensya ng pamahalaan at sa mga LGUs.
Inaatasan din ang DHSUD na magsumite ng rekomendasyon sa pangulo, sa pamamagitan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), para sa pagpapalabas ng proklamasyon na magdedeklara sa public lands bilang alienable at disposable para mapagtayuan ng pabahay.
Samantala, nakasaad din sa EO na dapat magsagawa ng imbentaryo ang lahat ng departamento, ahensya kabilang ang mga GOCCs, at LGUs sa mga pag-aari nilang lupa at isumite ang listahan sa DHSUD.