Posibleng may kaugnayan planong destabilisasyon ng gobyerno ang inilargang transport strike ng grupong Pinagkaisang Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide o PISTON ngayong araw na ito.
Ayon kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB Board Member Atty. Aileen Lizada, may natanggap silang impormasyon na sinusuportahan ng makakaliwang grupo ang transport strike ng PISTON para di umano’y pabagsakin ang gobyerno.
Una nang iginiit ng grupong PISTON na tinututulan nila ang planong modernisasyon ng jeepney dahil sa malaking interest na ipinapataw ng gobyerno at pagpabor sa malalaking negosyante.
Class and work suspensions
Patunay lamang ang suspensyon ng pasok sa eskwelahan at mga tanggapan ng gobyerno na batid ng pamahalaan ang kahalagahan ng kilos protesta ng grupong PISTON ngayong araw.
Ayon kay PISTON National President George San Mateo, alam ng gobyerno ang maraming mawawalan ng hanap-buhay sa isinusulong na modernisasyon ng jeepney.
Bagama’t hindi sila suportado ng ibang grupo determinado ang PISTON na paralisahin ang transportasyon sa 20 lugar sa buong bansa.
Kabilang ang Cagayan, Isabela, Pampanga, Metro Manila, Laguna, Quezon, Albay, Camarines Sur, Bukidnon, Surigao, General Santos City at iba pa.
Iginiit ng grupo na hindi sila tutol sa modernisasyon bagkus ay ang kinokondena nila ay ang mataas na interest ng gobyerno sa mga kukuha ng bagong jeepney.
—-