Nakipagpulong ang mga magulang ni Horacio ‘Atio’ Castillo III kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre ngayong Huwebes, Setyembre 28.
Ayon kay Justice Undersecretary Erickson Balmes, nagpasalamat ang pamilya Castillo sa mga tulong ni Aguirre para imbestigahan ang kaso ng pagkamatay ng kanilang anak.
Kinumpirma rin ni Balmes na hiniling ng pamilya sa kalihim na maka-usap ng personal si Pangulong Rodrigo Duterte.
Itinakda naman ang pakikipagkita ng pamilya Castillo kay Pangulong Duterte sa Oktubre 4, Miyerkules.
Kabilang sa humarap kay Secretary Aguirre ang mga magulang ni Atio na sina Horacio Jr. at Carmina, tiyuhin na si Dr. Gerry Castillo, at kapatid na si Nicole.
Full blown preliminary investigation vs. Solano aarangkada na
Agad itinakda ni Associate State Prosecutor Susan Villanueva sa Oktubre 4 hanggang 9, 2:00 ng hapon ang full blown preliminary investigation sa patung-patong na kasong kriminal laban sa pangunahing suspek sa pagkamatay ng University of Santo Tomas (UST) Law student na si Horacio Castillo III na si John Paul Solano.
Sa apat na pahinang inquest resolution ni Villanueva, pinababalik nito sa mga nasabing petsa si Solano kung saan pinagsusumite rin ito ng kontra-salaysay kaugnay sa mga kasong kriminal na isinampa ng MPD o Manila Police District laban sa kaniya.
Nilinaw naman ni Villanueva na wala umano sa argumento ng MPD kung paano o bakit nila kinasuhan ng Obstruction of Justice si Solano.
Ito aniya ang dahilan kaya’t hindi nakasama ang kasong Obstruction of Justice sa niresolba laban sa nabanggit na miyembro ng Aegis Juris fraternity kahit pa kabilang ito sa isinampang kaso ng mga pulis.