Walang dapat ipangamba ang pamilya Castillo sa paglaya ng pangunahing suspek sa pagpatay sa kanilang anak na si Horacio ‘Atio’ Castillo III.
Ayon kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre, ipinaliwanag niya sa mga magulang ni Atio na sa naging pag-aaral ng National Prosecution Service (NPS) ay talagang hindi ‘inquestable’ ang mga isinampang reklamo ng MPD o Manila Police District laban kay John Paul Solano kaya iniutos ng NPS ang paglaya nito.
Mabilis naman aniya ang itinatakbo ng pagdinig sa reklamo at sa katunayan ay nakatakda ang preliminary investigation sa Miyerkules, Oktubre 4, ganap na 2:00 ng hapon.
Pinayuhan ng kalihim ang mga magulang ni Atio na kumuha na ng abogado upang isulong ang kanilang reklamo.
Dagdag pa ni Aguirre, hindi makasasagabal sa paghahanap ng hustisya ng pamilya Castillo ang pagpapalaya kay Solano dahil nakasaad ito sa batas.