Sumisigaw ng katarungan ang pamilya ng makagpatid na Marijoy at Jacqueline Chiong na kapwa biktima ng panggahasa at pagpatay.
Ito ay matapos madismaya si Thelma Chiong sa estado ng justice system sa gitna na rin ng pangambang mapalaya ang mga sumalbahe sa kaniyang mga anak.
Kinuwestyon ni Chiong si BuCor Chief Nicanor Faeldon sa umano’y nakatakdang pagpapalaya sa tatlo (3) sa anim (6) na akusado sa pagdukot, panggagahasa at pagpatay sa kaniyang mga anak sa Cebu noong 1997.
Itinanggi naman ni Faeldon na lagda niya ang nasa dokumento bagamat tikom ang bibig nito sa usapin nang pagpapalaya sa mga suspek na sina Alberto Canio, Ariel Balansag at Jopsman Aznar dahil 2013 pa lang ay marami nang nakalabas na na-grant ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) na heinous crime ang kaso.
Ang mga suspek sa Chiong sisters rape slay case ay nasentensyahan ng habambuhay na pagkabilanggo noong 1999 subalit itinaas ng Korte Suprema sa parusang kamatayan sa pamamagitan ng lethal injection noong 2004.