Nagpapahingina sa kanilang bahay sa Davao City si Pangulong Rodrigo Duterte nang yanigin ng magnitude 6.9 na lindol ang Davao Del Sur.
Ito’y ayon kay Presidential spokesperson Salvador Panelo matapos ang nangyaring mapinsalang pagyanig sa lalawigan.
Ayon kay Panelo, nasa loob ng kanilang bahay si Duterte kasama ang kanyang anak na si Kitty, at pauwi naman ng kanilang bahay ang maybahay na si Honeylet, nang mangyari ang lindol.
Ani Panelo, tiyak na nasa maayos na kalagayan at walang nangyaring masama sa pamilya Duterte.
Ganundin sa gusali ng kanilang tirahan, na kinumpirma naman ng Presidential Security Group (PSG).
Matatandaang dakong 2:11 p.m. ngayong Linggo, Disyembre 15, nang tamaan ng magnitude 6.9 na lindol ang Padada, Davao Del Sur.