Tila tinalikuran na umano ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kaniyang mga ipinangako sa pamilya ng Pinay transgender na si Jennifer Laude.
Ito’y ayon sa ina ni Jennifer na si Julita Laude matapos na gawaran ng absolute pardon ng Pangulo si US Marine Lance Cpl. Joseph Scott Pemberton na pumaslang sa kaniyang anak.
Sa inilabas na pahayag ni Atty. Virginia Suarez, abogado ng pamilya Laude, hindi nila inaasahan ang desisyong ito ng Pangulo lalo’t maka-ilang ulit pa itong nagbigay ng tulong pinansyal sa pamilya.
Ipinangako din ng Pangulo sa pamilya Laude na hindi nito papayagang makalaya si Pemberton hangga’t siya umano ang nakaupo kaya’t ganoon na lamang ang sama ng loob ni Aling Julita sa nangyari.
Una nang itinanggi ng dating abogado ng pamilya Laude at ngayo’y Presidential Spokesman Sec. Harry Roque na nagbigay ng tulong pinansyal ang Pangulo sa pamilya at nagbitaw ng ganoong pangako sa kanila.