Inamin ni Pangulong Rodrigo Duterte na lumapit sa kanya ang pamilya Marcos upang hilinging gawing holiday sa Ilocos Norte ang kaarawan ng yumaong dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Iyan ang inihayag ng pangulo sa harap na rin ng mga batikos sa kanya kung bakit ginawang holiday sa Ilocos Norte ang pagdiriwang ng senternaryo ng kapanganakan ng yumaong dating pangulo bukas, Setyembre 11.
Paliwanag ng pangulo, humihirit din sa kaniya maging ang mga taga-Pampanga para gawin namang holiday sa kanilang lalawigan ang birthday ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
Gagawin ang pagdiriwang bukas sa puntod ng yumaong dating pangulo sa libingan ng mga bayani ngunit ito’y magiging pribado lamang sa pamilya, kaibigan at mga taga-suporta nito.