Taus-puso ang pasasalamat ng pamilya Marcos ngayong tuluyan nang naihimlay sa Libingan ng mga Bayani si dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Pinasalamatan mismo ni Ilocos Norte Governor Imee Marcos si Pangulong Duterte sa pagbubukas aniya ng pintuan upang maisakatuparan ang matagal ng inaasam na paglilibing sa Libingan ng mga Bayani sa kanyang ama.
Kasabay nito humingi rin ng dispensa ang gobernadora sa kanilang mga taga-suporta sa ginawang paglilihim sa paglilibing kay dating Pangulong Marcos.
Layon lang aniya nitong hindi masaling ang damdamin ng mga tumututol.
Motion for reconsideration?
Samantala, tila nawalan na ng saysay ang MR o motion for reconsideration ng mga kontra sa paglilibing sa dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Binigyang diin ito sa DWIZ ni dating Bayan Muna Partylist Representative Neri Colmenares matapos mabigla sa paglilibing sa LNMB sa dating Pangulo kaninang tanghali.
Ayon kay Colmenares, dapat ay maging final and executory muna ang desisyon ng Korte Suprema bago tuluyang mailibing sa LNMB ang dating Pangulo.
Bahagi ng pahayag ni former Bayan Muna Representative Neri Colmenares
Pinaghihinay-hinay naman ni Capiz Representative Fredenil Castro ang supporters ng dating Pangulong Ferdinand Marcos matapos itong ihimlay na sa Libingan ng mga Bayani.
Sinabi ni Castro na hindi tamang magbunyi ng sobra ang Marcos supporters habang nakakasakit naman sa mga biktima ng Martial Law.
Ayon kay Castro, ang isyu ng pagiging bayani ni Marcos ay patuloy pang pinagdedebatehan.
Nanawagan din si Castro sa anti-Marcos na bagamat masakit ay hayaan nang matapos ang usapin nang paglilibing sa dating Pangulo sa Libingan ng mga Bayani.
Dapat hayaan na lamang na mahatulan ng mga Pilipino at kasaysayan ang usapin sa tamang panahon at para umusad na rin ang bansa.
By Ralph Obina | Judith Larino