Pinagdududahan ni Vice President Leni Robredo ang sensiridad ng pamilya Marcos sa umano’y kagustuhan ng mga ito na isauli sa pamahalaan ang bahagi ng sinasabing kanilang nakaw na yaman.
Ayon kay Robredo kung talagang sensiro ang mga Marcos ay dapat noon pa nila ibinalik ang mga sinasabing ill-gotten wealth sa pamahalaan.
Dagdag ni Robredo, ang nasabing intensyon ng pamilya Marcos ay tila pag-aming nagnakaw sila sa kaban ng bayan noon.
Gayunman, umaasa si Robredo na magiging totoo ang inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa planong pagsasauli umano ng pamilya Marcos ng sinasabing kanilang mga nakaw na yaman sa pamahalaan.
Hiniling din ni Robredo na sana’y buo at hindi bahagi lamang ang ibalik ng pamilya Marcos at ang pagpapabilis sa proseso ng pagsasauli dahil maraming Pilipino aniya ang nangangailangan nito.
VP Robredo hindi naimbitahan sa LEDAC meeting
Hindi inimbitahan si Vice President Leni Robredo sa ikalawang LEDAC meeting na ginanap sa Malakanyang noong Martes.
Ito ang pag-amin ni Robredo bagama’t aniya nakasaad sa batas na miyembro siya ng LEDAC Council at dapat ay nakikilahok sa nasabing pulong.
Ayon kay Robredo, sinabi sa kanya ng Malakanyang na wala silang clearance para imbitahan siya naturang pulong.
Duda naman ang Bise Presidente na may kinalaman si Pangulong Rodrigo Duterte sa hindi pagbibigay ng imbitasyon sa kanya sa LEDAC meeting.
Gayunman, sinabi ni Robredo na magsusumite pa rin siya ng position paper at aalamin ang napag-usapan sa meeting bilang isa sa miyembro ng LEDAC Council.
Ang LEDAC Council ay binubuo ng mga piling miyembro ng ehekutibo at lehislatura na nagbibigay ng papayo sa Pangulo para sa mga programa, polisiya at batas na kailangang maipatupad ng kasalukuyang administrasyon.