Hinamon ng Philippine National Police (PNP) ang pamilya ng siyam na nasawing aktibista sa CALABARZON raid operations na kasuhan ang mga otoridad sa gitna nang paggigiit ng mga ito ng summary execution sa nasabing insidente.
Kasunod na rin ito nang paninindigan ng PNP na lehitimo ang mga nasabing operasyon nitong nakalipas na araw ng linggo.
Ayon kay PNP Spokesperson Brigadier General Ildebrandi Usana, dapat maglabas ng ebidensya ang mga nasabing pamilya at kasuhan ang kanilang mga police officers kung mapapatunayan talagang sinadya ang sinapit ng mga naturang aktibista.
Tiniyak muli ni Usana ang pag-imbestiga sa nasabing insidente dahil hindi nila kailanman kinukunsinti ang ilegal na hakbangin ng kanilang mga tauhan.
Mahigpit na itinanggi ng pamilya ng mga nasawi ang bersyon ng mga pulis na nanlaban ang mga biktima sa mga otoridad habang isinisilbi ang search warrants.