Hindi na pahihintulutan ng pamahalaan ng Estados Unidos ang pamilya ng mga World War 2 veterans na manatili ng kanilang bansa habang naghihintay na maaprubahan ang kanilang green cards.
Ayon kay US Citizenship and Immigration Services (USCIS) Director Ken Cuccinelli, ang pagkakansela sa Filipino World War 2 veterans parole program ay alinsunod sa ipinalabas na Executive Order 13767 o paghihigpit sa immigration law ni US President Donald Trump noong 2017.
Dagdag ng USCIS, kapareho din ito sa mga ipinatupad na panuntunan sa ibang mga bansa.
Layunin din anila ng hakbang ang mapanatili ang integridad ng kanilang immigration system at mapigilan ang iligal na pagpasok sa Estados Unidos ng mga dayuhan.
Maliban sa Filipino World War 2 veterans parole program apektado rin ng kautusan ni Trump ang Haitian family reunification parole program.