Umaapela ng tulong sa gobyerno ang pamilya ng isa sa dalawang Pilipino na hinatulan ng kamatayan sa Saudi Arabia.
Ayon kay Mila, asawa ni Eduardo Arcilla, isa sa mga hinatulan ng bitay, hindi nila inakalang muling ibabalik ang sentensiya kaya’t nananawagan na sila ng tulong kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Nanindigan si Mila na walang kinalaman ang kaniyang mister sa pagpatay sa tatlong kapwa Pinoy noong Abril 2006.
Isa sa mga nahatulan ay pumanaw na dahil sa sakit habang nasa kulungan habang apat nilang kasamahang Pilipino ay pinatawan ng labinlimang taong pagkaka-kulong at isanlibo limandaang panlalatigo.
Noong 2009, nabigyan ang pamilya ng mga biktima ng blood money na 15 million pesos mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office.
Samantala, inihayag naman ng Philippine Consulate sa Saudi Arabia na maaari pang i-apela ang hatol at kung papanigan ng Court of Appeals ang desisyon ng criminal court, i-aakyat pa ito sa Supreme Judicial Council sa Riyadh.