Nananawagan ng hustisya ang pamilya ng pinaslang na radio broadcaster sa Zamboanga del Sur na si Carlos Matas.
Mayo a-dose nang pagbabarilin ng pitong suspek si Matas sa Barangay Noburan sa bayan ng Labangan habang nakikipag-usap sa mga residente para sa isang proyekto sa naturang lugar.
Si Matas ay retiradong miyembro ng Philippine Army na itinalagang Provincial Coordinator ng Cassava Farmers Association sa Zamboanga Del Sur at Co-Anchor ng radio program ng PROVINCIAL GOVernment sa DXCA.
Ayon kay Senior Supt. John Guyguyon, Provincial Director ng Zamboanga del Sur Police, agad silang naglunsad ng hot pursuit operation na ikinasawi ng dalawa sa mga gunman at ikinasugat ng isa pa na kinilalang si arnaiz Alam Kabaro.
Bago ang insidente, isinumbong ni Matas sa pulisya na hinarang siya ng grupong Kabaro sa Barangay Langapod noong Mayo a-otso habang isinumbong din ng Kabaro na hinarang naman sila ng grupo ng mamamahayag sa Barangay Lower Sang-An.
Nahaharap naman sa kasong murder at attempted homicide ang naarestong suspek habang paghihiganti ang nakikita ng pulsiya na motibo sa pamamaslang.